Masusing minomonitor ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng dengue cases sa tatlong rehiyon sa bansa.
Ayon kay DOH-Epidemiology Bureau (EB) chief Dr. Alethea de Guzman, kabilang sa mga naturang rehiyon na nakikitaan nang pagtaas ng dengue cases ay ang Region 3 (Central Luzon), Region 7 (Central Visayas), at Region 9 (Zamboanga Peninsula).
“Ang mga closely monitored natin na areas ay Region 7, Region 9, at Region 3 kung saan sila ang may pinakamalaking contributions sa mga bagong kaso na nakita natin nitong nakaraang buwan, maliban sa NCR (National Capital Region),” ani de Guzman, sa panayam sa telebisyon nitong Martes.
Batay sa datos ng DOH, nasa 6,622 dengue cases ang naitala sa bansa mula Abril 10 hanggang Mayo 7 lamang.
Sa naturang bilang, 908 kaso o 14% ang mula sa Region 8, 881 kaso naman o 13% ang mula sa Region 7 habang 593 cases o 9% ang mula sa Region 3.
Una nang iniulat ng DOH na nakapagtala sila ng pagtaas ng dengue cases simula noong katapusan ng Marso.
Anang DOH, mula Marso 20 hanggang Abril 30, nasa 11,435 dengue cases ang naitala nila, na 94% na mas mataas kumpara sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon na nasa 5,901 lamang.
Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na magpraktis ng 4S behaviors upang labanan ang dengue, kabilang dito ang ‘Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early consultation; at Support fogging o spraying in hotspot areas,’ particular na ngayong panahon ng tag-ulan.