Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng transport operators sa bansa na tiyakin ang istriktong implementasyon ng kanilang aprubadong security plans matapos ang serye ng pagpapasabog sa ilang bahagi ng Mindanao.
Sa isang paabiso nitong Martes, inatasan ng DOTr ang lahat ng transport operators na isagawa ang ilang mga pamamaraan upang masigurong maiiwasan nang maulit pa ang naturang mga insidente.
Kabilang dito ang masusing inspection at control sa lahat ng prohibited items na maaaring isakay sa loob ng mga bus units, stringent screening sa mga pasahero at kanilang bagahe bago sila pasakayin sa bus, at pagsasakay at pagbababa ng mga pasahero sa designated areas lamang na may screening.
Dapat ring tiyakin ang deployment ng mga security personnel, K9 units, at utilization ng security equipment, agad na pagre-report ng mga kahina-hinalang pasahero at pagkakaroon ng intelligence at information sharing sa mga local at foreign counterparts.
Dapat rin anilang paghusayin ang mga probisyon sa security plan hinggil sa guidelines at procedures upang maiwasan ang bus attacks, pagsasagawa ng drills at exercises na nakasaad sa security plan at implementasyon ng appropriate undertakings na itinatakda sa kani-kanilang security/contingency plans.
Matatandaang noong nakaraang linggo, isa ang nasaktan sa pagpapasabog sa loob ng isang bus sa Koronadal City.
Nito namang Lunes ng gabi, isa rin ang nasugatan sa dalawang pagsabog na yumanig sa Isabela City, Basilan.