Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga raliyista nitong Lunes, Mayo 30 kaugnay ng mga ilulunsad nitong pagkilos habang papalapit ang nakatakdang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa malinaw pahayag ni PNP officer-in-charge Police Lietenant General Vicente Danao Jr., hindi sila magdadalawang-isip na arestuhin ang mga raliyistang hahambala sa daloy ng trapiko at maninira ng ari-arian ng pamahalaan.
“Sabi ko nga, kung kinakailangan na paghuhulihin namin kayo dahil nakakatrapik na rin kayo at saka nakakasakit kayo ng ibang tao, lalo na't naninira kayo ng properties lalo na ng gobyerno, definitely the rule of law will be strictly implemented,” ani Danao.
Matatandaang nitong Mayo 25, nang iproklama sina Marcos Jr. at Vice President-elect Inday Sara Duterte, gumamit ng water cannon sa mga nagprotesta ang kapulisan, bagay na parehong kinundena ng Anakbayan at Commission on Human Rights (CHR).
“We emphasize that the right to peaceful assembly is a fundamental right that deserves equal protection as public safety and order,” anang komisyon habang iginiit na dapat pairalin ng mga unipormadong pulis ang “maximum tolerance.”
Nauna nang inilarawan ni Danao bilang “pointless” ang mga pagkilos ukol sa umano’y dayaan sa naganap na May 9 elections.