Wala pa ring naiulat na kaso ng monkeypox virus sa hanay ng mga overseas Filipino workers (OFWs), ayon sa pahayag ng Overseas Workers' Welfare Administration (OWWA) nitong Lunes.

“Wala pa tayong nare-report sa awa ng Diyos mula sa ating Department of Health (DOH), mga embahada, at [Philippine Overseas Labor Offices] patungkol dito,” pahayag ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac sa isang television interview.

Gayunman, nilinaw ni Cacdac na handa na silang magbigay ng financial assistance sakaling magkaroon na ng kaso sa mga OFW.

Bukod dito, bibigyan din ng livelihood at scholarship assistance ang pamilya ng mga ito sakaling umuwi sila sa bansa.

Nitong Linggo, inanunsyo ng World Health Organization (WHO) na nagkakaroon na ng "moderate risk" sa global public healthdulot na rin ng monkeypox matapos maiulat ang pagkalat ng sakit sa mga bansang karaniwang hindi tinatamaan ng viral disease.

"The public health risk could become high if this virus exploits the opportunity to establish itself as a human pathogen and spreads to groups at higher risk of severe disease such as young children and immunosuppressed persons," sabi pa ng WHO.