Mahigit 34,000 eskwelahan ang nominado para magpatupad ng face-to-face classes, inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes, Mayo 30.

Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones, sa naganap na Laging Handa public briefing, na noong Mayo 26, 34,238 na mga paaralan ang nominado para sa face-to-face classes sa buong bansa.

“Out of these 34,238 schools, 33,000 are public schools and 1,174 are private schools,” ani Briones.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Binanggit ni Briones na hanggang sa kasalukuyan, 73.28 porsyento ng kabuuang bilang ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang nominado na magdaos ng face-to-face classes sa gitna ng pandemya.

“Basta may clearance galing sa Department of Health, at saka sa tingin namin ay pumapayag naman ang mga local governments at saka may consent ng mga parents ay talagang tinutuloy na natin ang face-to-face classes,” anang hepe ng ahensya.

Samantala, sinabi ni Briones na inaasahan ng DepEd na ganap na maipatupad ng lahat ng paaralan ang pagsasagawa ng face-to-face sa susunod na academic year.

Gayunpaman, nilinaw ni Briones na ang pagpapatupad ng face-to-face classes ay nakadepende pa rin sa pangkalahatang kahandaan ng mga paaralan.

Sinabi ni Briones na maaaring may iba't ibang format ang mga paaralan pagdating sa pagpapatupad ng face-to-face classes. Ang ilan, aniya, ay handa sa mga tuntunin ng mga guro at iba pang mga mapagkukunan habang ang iba ay maaaring maghabol.

Dahil dito, sinabi ni Briones na ang mga opisyal ng DepEd sa antas ng rehiyon ay “kailangang magpasya kung anong diskarte ang gagamitin” pagdating sa harapang klase dahil “alam nila ang sitwasyon.”

Binigyang-diin din ni Briones na ang diskarte ng DepEd pagdating sa pagpapatupad ng face-to-face classes ay nakadepende sa mga paaralan, LGUs, estado ng kalusugan sa lugar, at sa assessment ng DOH.

“Pero sa ngayon, ine-encourage din ng DOH na talagang tulyan na nating gawin ang face-to-face classes,” ani Briones.

Merlia Hernando-Malipot