Nailigtas ang isang 18-anyos na binata matapos mahulog sa 50 metrong bangin habang nagse-selfie sa Balete (Dalton) Pass National Shrine sa Barangay Tactac, Santa. Fe, Nueva Vizcaya nitong Linggo.

Kinilala ni Santa Fe Municipal Police chief, Lt. Jefferson Dalayap ang binata na si Mark Genesis Balagtas, estudyante at taga-San Jose City, Nueva Ecija.

Sinabi ni Dalayap, patungo na sana sa San Mateo, Isabela si Balagtas, sakay ng isang pampasaherong bus. Gayunman, nagpasyang dumaan muna sa Balete Pass National Shrine upang kumuha ng larawan at mag-selfie.

"Nakatayo lang siya doon na kumukuha ng photo at nag-selfie at saka ang sabi nakaramdam ng pagkahilo at tuluyang nahulog doon sa bangin,”pahayag ni Dalayap.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nakabantay aniya sila sa checkpoint sa Dalton Pass nang humingi ng tulong ang isang security guard upang masagip si Balagtas.

“Nahirapang irekober ang biktima dahil sa tarik ng nasabing bangin. Ngunit, kalaunan ay ligtas naman itong nai-akyat mula sa pagkakahulog gamit ang isang lubid” ani Dalayap.

Kinumpirma naman ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) nurse Allan Lazaro, na nagalusan lang si Balagtas.

Kaagad ding inihatid si Balagtas sa Nueva Ecija kung saan pinayuhan muna na magpahinga para makarekober.

“Naglayas daw kasi ang binata at plano na pumunta sa kanyang tiyahin sa San Mateo, Isabela. Pero, bumaba ito sa bus para magpa-picture muna doon sa Nueva Vizcaya nang maganap iyong pagkahulog niya," dagdag pa ni Dalayap.