Labis-labis ang pasasalamat ni Momshie Karla Estrada sa lahat ng mga bumoto sa Tingog party-list na nakasama sa mahigit 50 nanalong party-list sa naganap na halalan.
Ipinahatid ng TV host-actress-singer ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng mga nagtiwala sa kanilang party-list, na pumangatlong puwesto pa sa lahat ng mga kumandidatong party-list.
"Mapagpalang gabi po sa inyong lahat. Muli, gusto ko pong magpasalamat sa inyo dahil wala po akong mapagsidlan ng saya sa nakamit na tagumpay ng aming partylist, ang TINGOG," ani Karla sa kaniyang Instagram post nitong Mayo 27.
Bagama't nanalo ang Tingog, hindi naman siya makakaupo sa puwesto bilang congresswoman dahil dalawang seats lamang ang available. Siya ay nasa third nominee ng Tingog.
"Bagama’t hindi umabot sa akin ang pangatlong seat, kaya hindi po ako maaaring tawagin na congresswoman… nakakahiya po! Ngunit ganoon pa man, nasa top 3 po ang Tingog sa mahigit 50 na nanalong party-list!"
"Ang Tingog ay may 2 seats po… sa pangunguna ni Congresswoman Yedda Romualdez at sinundan ni Congressman Jude Acidre."
Hindi man pinalad na makaupo sa puwesto, ipinangako naman ni Momshie Karla na buo ang suporta niya sa partido at magiging boses para sa mga taong nangangailangan ng kaniyang tulong.
"Ako po ay mananatili na kasama ng Tingog bilang isa mga boses po ninyo katulad ng aking ipinangako."
"Ang tagumpay ng Tingog ay tagumpay din po ninyong lahat! Salamat sa tiwala at pagmamahal n'yo po sa amin. Mabuhay kayong lahat mga Ka-Tingog! We love you!" aniya.
Samantala, isa sa mga nagbigay ng magagandang mensahe sa kaniya ay si ABS-CBN news anchor Karen Davila.
"Even if you cannot sit for Tingog @karlaestrada1121 this whole exercise has been a success for you as a person. I pray God will use you mightily - that you can make a difference in people’s lives and for His kingdom in the days to come! Magkita tayo soon w @kaladkaren, Ka-birthday," ani Karen.
Matatandaang binanggit ni KaladKaren Davila o Jervi Li sa tunay na buhay sa vlog ng idolong si Karen, na malaki ang mga naitulong sa kaniya ni Momshie Karla, gaya halimbawa ng ipinambili niya sa malaking sofa na nasa kaniyang condo unit.
Nagpaabot din ng pagbati kay Karla ang mga kasamahan sa showbiz gaya nina Gelli De Belen, Candy Pangilinan, at Ruffa Gutierrez.
Matatandaang nabatikos si Momshie Karla dahil sa desisyon niyang tumakbo bilang third nominee ng Tingog party-list, kung saan ang first nominee nitong si Congresswoman Yedda Romualdez ay nag-no sa franchise renewal ng ABS-CBN, na home network ni Karla at ng anak na si Daniel Padilla.