Hindi na pala magkatambal sina Ken Chan at Rita Daniela, pag-amin ng aktor, sa naganap na media conference para sa kaniya, kaugnay ng kaniyang bagong single na 'Quaranfling' sa ilalim ng GMA Music.
Kilala ang tambalan nina Ken at Rita sa pangalang 'RitKen' na unang kinakiligan sa afternoon drama series na 'My Special Tatay' na pinagbidahan ni Ken.
Kung si Ken ang tatanungin, looking forward siyang muling makatrabaho sa isang proyekto si Rita, subalit ipinaliwanag daw sa kanila ng Sparkle GMA Artist Center na may hangganan lang daw talaga ang mga tambalan, at kailangan din nilang magningning sa mga sarili nila, o kaya naman, maitambal naman sa iba.
Sa ngayon, ang katambal ni Ken Chan sa 'Mano Po' ay si Bianca Umali.
Naungkat si Ken kung si Rita ba ang pinariringgan niya sa mga cryptic tweets niya tungkol sa isang malapit na tao sa kaniya na namba-backstab. Aniya, maayos naman daw ang relasyon nila ni Rita, bagama't hindi na sila nakakapag-usap dahil busy-busyhan na rin sa mga kani-kaniyang proyekto.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/04/24/ken-chan-may-pinariringgang-plastik-backstabber-hindi-ko-lang-din-kasi-kinaya/">https://balita.net.ph/2022/04/24/ken-chan-may-pinariringgang-plastik-backstabber-hindi-ko-lang-din-kasi-kinaya/
Aplikable raw sa lahat ang 'parinig' niya at hindi rin naman para kay Rita ito. Ngunit kung sino man ito, sa ngayon daw ay ibinaon na niya sa limot ang ginawa nito. Kaibigan pa rin ang turing niya rito. Hindi naman daw siya mapagtanim ng sama ng loob.
“Hindi ko naman sinasabi na hindi ako marunong magalit, pero hindi ako nagtatanim ng galit at sama ng loob. So, madali talaga akong magpatawad ng tao. Wala naman pong problema doon. Kung ano po… maging kaibigan ko pa rin naman siya,” saad pa ni Ken.
Samantala, ang huling proyekto ng RitKen ay ang kauna-unahan nilang pelikula sa Metro Manila Film Festival---ang 'Huling Ulan sa Tag-araw', noong Disyembre 2021.