Hinangaan ng fans ang world class music video ng ikalawang solo single ni SB19 Ken “Felip” Suson sa kantang “Bulan” na hinugot sa malalim na kultura ng bansa.
Trending agad sa music streaming platform na YouTube ang bagong materyal ng main dancer at lead vocalist ng P-pop Kings nitong Sabado ng gabi, Mayo 28.
Kumpara sa naunang track ni Ken na “Palayo” noong Setyembre 2021 na isang slow ballad, tampok sa kanyang bagong kanta ang mga elementong hip-hop, rap, at rock music na nagresulta ng halos makapanindig-balahibong tunog.
Basahin: SB19 Ken, naglabas ng kanyang solo Bisaya track ‘Palayo’ – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid
Parehong vibe ng kanta ang halos na mararamdaman sa naunang “Pagsibol” track ng SB19 na “Mana” pagdating sa kabuuang produksyon ng kanta habang naging sentro sa liriko nito ang sinaunang paniniwala ng mga naunang Pilipino sa iba’t ibang mga Diyos.
Sa song credit ng kanta, isang paraan din umano ang “Bulan” para himukin ang kasalukuyang henerasyon na tuklasin ang mga halos kinalimutan nang tradisyon ng bansa.
Hinangaan ng ATIN ang panibagong materyal ni Ken dahilan para agad na mag-landing ito bilang Number 15 trending content sa YouTube Philippines.
Napansin din ng fans ang pangmalakasang produksiyon ng music video. Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Ken ang naging pagsubok ng kanyang team para maisakatuparan ang kalidad na MV.
Ngayong Linggo, Mayo 29, mapapakinggan sa lahat ng music streaming platform ang “Bulan.”
Ang MV ng kanta ay tumabo na ng higit 142,000 views sa pag-uulat.