Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo sa mga kandidato noong katatapos na May 9 national and local elections na ang deadline sa paghahain ng kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) ay hanggang sa Hunyo 8 lamang.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, hindi na sila tatanggap ng SOCE matapos ang naturang deadline.

Wala na rin aniya silang plano pang palawigin ang naturang deadline sa pagsusumite ng SOCE.

“Pinapaalala natin, whether nag-withdraw o natuloy, whether natalo o nanalo, sila po lahat ay magfa-file ng kanilang SOCE,” ani Garcia, sa panayam sa teleradyo. “Hindi po kami mage-extend beyond June 8.”

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nagbabala rin si Garcia na ang mga kandidatong mabibigong magsumite ng SOCE ay maaaring maharap sa kaso at multa.

Ang mga hindi naman nakapagsumite ng SOCE sa ikalawang pagkakataon ay isasailalim sa perpetual disqualification para humawak ng anumang puwesto sa gobyerno.

Ani Garcia, sa ngayon ay nasa 500 kandidato noong nakalipas na halalan ang posibleng maharap sa perpetual disqualification.

Ang isang kandidato naman na nanalo sa eleksiyon ay maaari aniyang hindi makaupo sa puwesto kung hindi magsusumite ng SOCE.