Wala pang bakunang inaaprubahan o binibigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (DFA) laban sa monkeypox sa bansa.

Ito ang paglilinaw ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III nitong Sabado.

Gayunman, kinumpirma ni Duque na tinatalakay na ng DOH sa World Health Organization (WHO) kung saan makakabili ang bansa ng monkeypox antivirals, sakaling magkaroon ng outbreak nito sa bansa.

“Wala pang approval ng FDA natin, wala pang emergency use authorization. ‘Yan ang mga legal ng batayan para makapagpasok ng antivirals against monkeypox,” ani Duque, sa isang panayam sa radyo.

Siniguro rin naman niya na inihahanda na nila sa ngayon ang supply chains at logistics services.

“There are ongoing internal discussions, based on scientific evidence, for the possible acquisition of antivirals in the event of an outbreak or severe cases,” aniya pa.

Kinumpirma rin ni Duque na inatasan na niya ang Pharmaceutical Division ng DOH na makipag-cooperate sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at FDA upang maghanap ng posibleng available sources ng monkeypox vaccines.

Binanggit din niya ang posibilidad na gumamit ng Imvamune o Imvanex vaccine, na lisensiyado sa Estados Unidos laban sa monkeypox o smallpox.

Sinabi rin ng kalihim na ang mga smallpox vaccines ay maaaring magbigay ng proteksyon laban sa monkeypox dahil sa “cross-protection.”

Matatandaang inihayag ng DOH na hindi pa kailangang magsara ng borders ng bansa dahil sa monkeypox.

Tiniyak naman ni Duquena pinaigting na ang surveillance at border controls upang maiwasang makapasok ang sakit sa bansa.

Paniniguro pa ni Duque, maraming paraan upang maiwasang makapasok sa bansa ang monkeypox, kabilang dito ang istriktong border control at symptoms screening, at pagtalima sa minimum public health standards.