Nanawagan ang isang grupo ng mga pribadong ospital sa susunod na administrasyon na ayusin na ang implementasyon ng reimbursement system ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Idinahilan ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) President Dr. Jose de Grano, umaasa lamang sila sa reimbursement scheme ng PhilHealth. Gayunman, ilang ospital pa rin ang hindi pa ring nababayaran.
"Doon sa naging karanasan namin noong nakaraang taon, ilang taon sa PhilHealth, ’yun ang palagay kong kailangang pagtuunan ng pansin ng susunod na administrasyon na sana ay hindi magkaroon tayo ng problema sa ating claims sa PhilHealth.Kung maayos po natin ang organisasyon ng PhilHealth nang sa ganoon ay makaayon dito sa mga hinihiling ng ating mga pribadong ospital, [pati] siguro government hospitals, palagay ko maganda ’yun na maisakatuparan at sa gayon po ang ating healthcare system ay magiging maganda para sa susunod na 6 na taon," pagdidiin ni de Grano sa isang panayam sa telebisyon.
Matatandaangnagbanta ang mga ospital noong Disyembre 2021 na ititigil na nila ang kanilang pakikipagkasundo sa PhilHealth dahil hindi pa rin sila nababayaran sa milyun-milyong pisong utang ng ahensya.
Nitong nakaraang Enero, kinumpirma ni PhilHealth chief executive officer, president Dante Gierran na aabot na sa P25 bilyon ang utang nila sa mga ospital at babayaran ito sa Hunyo.
Isinisi naman ito ni Gierran sa kakulangan ng tauhan at problema sa kanilang information technology.