Binasag na ng showbiz columnist at talent manager na si Ogie Diaz ang katahimikan tungkol sa mga bali-balitang may iringan sila ng aktres na si Liza Soberano kaya’t hindi na ito nag-renew ng kontrata sa kaniya.

“Unang-una sa lahat technically, legally speaking ako pa rin ang manager ni Liza Soberano hanggang May 31, 2022,” sey ni Ogie nitong Biyernes, Mayo 2, sa panibagong episode ng 'Ogie Diaz Showbiz Update.'

Aminado si Ogie na sa loob ng 11 years ng kanilang pagsasama ni Liza ay marami silang mga pagsubok na pinagdaanan at nalampasan. Alam din umano ito ng mga taong nakapaligid sa kanila.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Kuwento rin ng talent manager na tinanong niya ang aktres kung nais pa ba nitong mag-renew ng kontrata sa kaniya bago pa man ma-expire ito. 

Nagdesisyon ang kaniyang alaga na "hindi na" dahil gusto nitong mag-try sa Hollywood. Ayon kay Ogie, magalang siyang minessage ng aktres sa pamamagitan ng isang Viber message. 

Malugod niya namang tinanggap ang desisyon ni Liza dahil handa naman siyang ibigay ang kasiyahan na ninanais nito at handa pa rin siyang suportahan ang anumang nais tahakin ng aktres.

"Nagdecide na si Liza na hindi na mag-renew through long Viber message. Magalang naman yung bata infairness at tsaka kilala mo naman ako Loi, kapag happiness na nung tao yung concern binibigay ko yan. Kahit sa pag-aalaga ng mga talents kapag may nagpapaalam sa akin na aalis na, go," sey ni Ogie.

“Ang sine-save ko kasi yung friendship kasi ang haba ng panahon na pinagsamahan ninyo eh. Hindi mo dapat sayangin yun dahil wala ka nang kinikita sa bata o wala na akong naibibigay na project sa bata.

“Hindi doon nagtatapos ang relasyon dahil lagi ko ring sinasabi yan kay Liza na hindi mo dapat pinuputol yung tulay. Kasama don sa kanyang mensahe na gusto niyang mag-try sa Hollywood at syempre hindi naman ako yung tipo na alam ko rin hanggang Hollywood kumbaga hanggang dito lang yung alam ko bilang manager,” pagpapatuloy pa niya.

Binigyang-diin ni Ogie na malaki ang utang na loob niya kay Liza.

“Yung utang na loob ko sa batang yan ay napakalaki dahil yung mga kinita ko sa kanya, doon din naman ako humugot para mabuhay yung anak ko na si Miracle. Kaya nga siya Miracle, 'di ba?" sey niya.

“Yun man lang maisip ko para wala kang itatanim na sama ng loob sa bata, wala kang bitbit, wala kang karga sa loob mo kasi doon man lang, timing na timing ang pagdating ni Liza Soberano sa buhay ko. Infairness sa bata, very thankful din siya sa akin dahil syempre magkatuwang kaming binuo ang kaniyang pangalan,” dagdag pa niya.

Wala rin daw siyang sama ng loob kay Liza at bigat sa hindi pag-renew nito sa kaniya.

“Ay, mamatay, wala. Wala. Kasi ganun nga akong tao. Kapag ang isang tao gusto ng growth at feeling niya magkakaroon siya ng growth sa iba, ibinibigay ko kasi napakaimportante ng mental health. Napakaimportante na nandoon ka pa rin sa iyongsanity, so kailangan ibigay mo yung happiness doon sa tao. So ako wala talaga, promise."

Inamin ng talent manager na kaya magkasama sina James Reid at Liza Soberano sa ilang mga events sa Amerika ay dahil siya na ang bagong manager ng aktres.

Nagkakaroon na rin ng transition ang team ni Ogie at team ni James para sa pagma-managesa aktres sa Pilipinas at sa Amerika ngunit hindi pa sila nagkikita sa personal ng team ni James.