Inaresto ng pulisya ang dalawang hinihinalang kidnapper na naituro sa likod ng viral na video ng tangkang kidnapping sa Las Piñas City noong Miyerkules, Mayo 25.

Arestado sina Leonard “Onak” Alfaro, 33; at, George “Mako” Caragdag, Jr., 46.

Sinabi ni Police Brig. Gen. Roderick Augustus Alba, chief information officer ng Philippine National Police, ang pagkakaaresto sa dalawang suspek ay nag-ugat sa impormasyong ibinunyag ng isa sa mga testigo.

Ang biktimang 15-anyos na babae ay nakitang tumatakbo palayo sa sasakyan ng mga suspek. Ang video ay nakunan sa CCTV ng mga lokal na residente.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

“A concerned citizen identified one of the suspects and this provided leads to police investigators,” ani Alba.

Si Alfaro ang unang naaresto sa Pamplona Uno sa Las Piñas City noong Huwebes, Mayo 26. Pagkatapos ay ikinanta nito ang pagkakasangkot ni Cargadag na na-collar sa isang follow-up operation kinabukasan.

Nasamsam sa kanila ang isang hand grenade, isang revolver na may kargang limang bala, isang replika ng baril, isang 9-inch kitchen knife, at isang Black Honda Mobilio—ang sasakyan na ginamit umano noong tangkang kidnapping.

Sinabi ni Alba na sinampahan ng kasong kriminal ang dalawang suspek. Hindi agad malinaw kung bakit sinubukang dukutin ng dalawa ang biktima.

Aaron Receunco