Nadagdagan pa ng 199 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) nitong Sabado.
Sa pagkakadagdag ng naturang bilang nitong Mayo 28, umabot na sa 3,690,055 ang kabuuang kaso ng sakit sa Pilipinas, sabi ng DOH.
Umabot naman sa 2,434 ang active cases sa bansa, bahagyang tumaas sa 2,422 na naitala nitong Biyernes.
Nakarekober naman sa sakit ang 3,627,166 na pasyente, gayunman, nakapagtala pa rin ang Pilipinas ng 60,455 kabuuang namatay sa virus mula nang magkaroon ng pandemya noong 2020.
Nakapagtala rin ang DOH ng mataas na kaso ng sakit sa Metro Manila (1,010), Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) 359, at Central Luzon (265).
Nanawagan muli ang ahensya na pairalin pa rin ang safety at health protocols upang bumaba pa nang husto ang hawaan ng sakit.