Nagpasalamat si Vice President-elect Sara Duterte sa mahigit 32 milyon na bumoto sa kaniya. Pinasalamatan din niya ang kaniyang running mate na si President-elect Bongbong Marcos. Aniya, mahaba raw ang pasensya nito sa kaniya noong panahon ng kampanya.

"Ako ay nagpapasalamat sa mga bumoto sa akin. At ako din ay nagpapasalamat sa ating President-Elect Bongbong Marcos," saad ni Duterte sa kaniyang Facebook post noong Huwebes, Mayo 26.

Ikinuwento niya na mayroon silang napagkasunduan ni BBM bago sila maging UniTeam ngunit hindi niya nabanggit kung ano ito.

"Meron kami napagkasunduan bago pa man kami naging Uniteam at hindi niya nakalimutan iyon, nung pinaalala ko sa kanya ng proclamation night, sagot niya, “Don’t worry, I’ll take care of it.”"

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dito na rin nabanggit ng vice president-elect na naging mahaba ang pasensya ni BBM sa kaniya.

"Noong kampanya, mahaba ang pasensiya niya sa aking kagustuhan na gumawa din ng sariling strategy sa kampanya bukod sa Uniteam. Pinagbibigyan niya yung laging pag-excuse ko para kumain," aniya.

"At higit sa lahat kahit na dapat ay mauna umalis ang Pangulo, kapag nagpapa-alam ako na mauna umuwi lagi niya sagot ay mag-ingat. Good vibes lang," dagdag pa niya.

"We shall always and forever be the Uniteam."

Nakakuha ng 31,629,783 boto si Marcos habang 32,208,417 boto naman ang nakuha ni Duterte sa final at official count. 

Ipinroklama rin sila noong Miyerkules, Mayo 25, ilang oras matapos ang canvassing ng mga boto.