KALINGA - Nahaharap ngayon sa kasong administratibo at kriminal ang isang kapitan ng barangay sa Tinglayan ng lalawigan matapos umanong itakas ng grupo nito ang limang lalaking inaresto ng pulisya sa pagtatanim ng marijuana sa lugar kamakailan.

Sa pahayag niPolice Regional Office (PRO)-Cordillera deputy information officer, capt. Marnie Abellanida, sinampahan ng Grave Misconduct (administrative case) sa Office of the Deputy Ombudsman si Brgy. Buscalan chairman Leon Lammawen Baydon, taga-Tinglayan. Kalinga.

Ang kaso ay iniharap ngCriminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Kalinga Field Unit at Kalinga Provincial Police Office noong Mayo 20.

Bukod dito, kinasuhan din si Lammawen ng paglabag sa Presidential Decree 1829 (Obstruction of Justice) sa Provincial Prosecutor's Office, Justice Hall Bulanao, Tabuk City noong Mayo 23.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa rekord ng pulisya, inaresto ng PNP-Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 1502nd Maneuver Company ang limang lalaking naaktuhang nagtatanim ng marijuana sa bulubunduking bahagi ng Buscalan nitong Abril 25.

Sinabi ni Abellanida, bukod sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, nilabag din ng limang suspek ang Republic Act 10591 at gun ban na ipinaiiral ng Commission on Elections (Comelec) nang mahulihan din sila ng mga baril at bala.

Habang dinadala sa presinto ang limang suspek, bigla na lamang umanong sumulpot si Lammawen, kasama ang tinatayang aabot sa 150 residente na pawang armado umano ng itak, at hinarang ang mga pulis sa bahagi ng Centro Buscalan.

Dahil sa pagkabigla, hindi na nakapalag ng mga pulis hanggang sa tangayin sa kanila ang limang suspek.

Idinagdag pa ng mga pulis, agad na lamang silang umalis sa lugar upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.