Ibinasura na ng korte ang indirect contempt case laban kay Senator Leila de Lima kaugnay ng kinakaharap nitong kasong may kinalaman sa paglaganap umano ng iligal na droga sa National Bilibid Prison (NBP).
Bukod kay De Lima, ibinasura rin ni Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 Judge Gener Gito ang katulad na kaso laban sa legal counsel ng senador na si Filibon Tacardon.
Ang ruling ng hukuman sa kaso ay may petsang Mayo 2, gayunman, nitong Biyernes lamang isinapubliko.
"[W]hat respondent Tacardon reported to the media are mere echoes of the testimonies of the prosecution witnesses. The Court does not find malice in them nor contumacious in those statements,” sabi ni Gito sa mga mamamahayag.
Matatandaang noong Disyembre 2020, nagharap ng petisyon ang prosekusyon upang igiit sa hukuman na i-contempt sina de Lima at Tacardon dahil sa paglabag umano sa sub-judice rule kung saan pinagbabawalang talakayin ang merito ng usapin upang hindi maimpluwensyahan ang kalalabasan ng kaso.
Ginamit na dahilan ng prosekusyon ang naging pahayag ni Tacardon na nagsasabing nilinis na ng Philippine Drug Enforcement Agency at Anti-Money Laundering Council si de Lima sa nabanggit na kaso.
Sa naturang pahayag, binanggit din ni Tacardon na inamin ng drug lord na si Vicente Sy na hindi pa nito nakakadaupang-palad ang senador sa kabila ng nauna niyang pahayag na binigyan niya ng P500,000 si de Lima para sa kanyang campaign funds noong 2012.
“The Court deciphered the comments and utterances of respondent Atty. Tacardon to the various media outlets and find nothing therein that would create a 'clear and present danger' to the administration of justice. What respondent Atty. Tacardon reported are the answers of the prosecution witnesses during their cross-examination. Respondent Atty. Tacardon merely reported the admissions made by those witnesses,” ayon pa sa huwes.
Si de Lima ay nakakulong pa rin sa PNP-Custodial Center sa Camp Crame matapos arestuhin noong Pebrero 2017 dahil sa pagkakasangkot umano sa paglaganap ng illegal drugs sa NBP noong kalihim pa ito ng Department of Justice (DOJ).