Iniutos ng Sandiganbayan na makulong ng hanggang 300 taon ang isang empleyado ng Calamba City sa Laguna kaugnay ng nalustay na ₱26.6 milyong pondo ng bayan noong 2010.

Napatunayan ng 4th Division ng anti-graft court na nagkasala si Calamba City administrative assistant Eva Dijamco sa 25 counts ng malversation kung kaya't hinatulan ito na makulong ng hanggang 12 taon para sa bawat bilang ng kaso nito.

Ang desisyon ng hukuman ay may petsang Mayo 23, gayunman, isinapubliko ito nitong Biyernes.

Sa rekord ng kaso, nilustay ang nabanggit na pondo kasunod na rin ng pagkawala ng dalawang checkbooks ng munisipyo na naglalaman ng 200 piraso ng blangkong tseke.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Natuklasang si Dijamco ang naghanda ng advice forms ng accountant na sumasaklaw sa mga tsekeng pipirmahan ni city accountant Carmina Espiridion.

Binawian ng buhay si Espiridion habang nililitis ang kinakaharap na kasong 30 counts ng estafa sa Calamba Regional Trial Court ilang taon na ang nakararaan.

Sinabi ng korte, walang direktang ebidensya na nagdadawit kina Dijamco at Espiridion sa pamemeke ng pirma ng city treasurer, mayor, at vice mayor, gayunman, hindi pa rin maitatanggi na dumaan sa dalawa ang mga nawawalang tseke dahil naipasok pa nila ito sa computer at kinumpirma pa ang mga check numbers at taong pinagbayaran nito.

Inabsuwelto naman sa kaso si dating city treasurer Liberty Toledo at revenue collection clerk Nathaniel Ferrer Pia.

Noong Abril 15, 2010, na-i-report pa ni Toledo ang umano'y pagkawala ng dalawang booklet ng blangkong tseke na para sana sa general fund at special educational fund ng lungsod.

Sa audit report, nadiskubre na 30 sa 200 na nawawalang tseke ay may pekeng pirma bago ibinigay sa mga negosyong walang balidong contracted obligations sa lungsod.

PNA