Pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) ang pagbili ng bakuna at antivirals laban sa nakahahawang monkeypox.
Paglilinaw ng DOH, hindi pa kasama sa programa ng gobyerno ang pagbabakuna kontra sa nabanggit na viral disease.
Binigyang-diin ng ahensya, sinisilip na nila ang lahat ng posibilidad upang makabili na ang pamahalaan ng monkeypox vaccine.
Paliwanag ng DOH, may natuklasan nang bakuna para sa nasabing sakit, gayunman, limitado pa rin ito.
Paglilinaw ng DOH, magsasagawa pa sila ng konsultasyon at pag-aaral, kasama ang mga expert group, kaugnay ng pagbabakuna at priority population groups.
"At present, the DOH is preparing supply chains and logistics services. There are ongoing internal discussions, based on scientific evidence, for the possible acquisition of antivirals in the event of an outbreak or severe cases," sabi pa ng ahensya sa panayam sa telebisyon.
Naihahawa ang monkeypox sa pamamagitan ng respiratory droplets at mayroon itong incubation period mula lima hanggang 21 araw, ayon naman kayDr. Marissa Alejandria, isa sa miyembro ng DOH-Technical Advisory Group on Infectious Diseases.
Idinagdag pa ng DOH na sa kasalukuyan, nakikipagtulungan sila saPhilippine Genome Center at sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang masubaybayan ang monkeypox sa pamamagitan ng RT-PCR (Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction) testing.
Unang natuklasan ang sakit sa Central at West Africa hanggang sa lumaganap na rin ito sa Italy, Portugal, Spain, Sweden, United States at Canada.