Handa na ang Department of the Environment and Natural Resources (DENR) na kasuhan ang nasa likod ng minadaling reclamation project sa Coron sa Palawan.

Ito ang tiniyak ni DENR Undersecretary Jonas Leones, at sinabing dismayado sila at nagulat dahil inapurang tinabunan ang 40 sa kabuuang 48 ektarya sa lugar para sa Coron Bay Development Project (CBDP).

Ginawa aniya ito sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.

Inaalam na aniya ng DENR kung nasira ng proyekto ang kalikasan at isa ito sa batayan ng paghahain nila ng kaso.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Gayunman, aminado si Leones na may kasalanan din sila dahil sa pagkabigo nilang subaybayan ang proyekto. Kamakailan, kinansela ng DENR ang environmental compliance certificate (ECC) ng reclamation project. Sinuspindi rin aniya ang ang reclamation activities.

"Sinamantala nila na mag-reclaim nang mag-reclaim at kumuha ng filling materials diyan.Nakikita nga rin namin 'yan na may kaunting lax 'yun on the part kasi dapat nakikita ng (City o Provincial Environment and Natural Resources) 'yung progress ng kanilang gawain doon pero ang sa amin naman kasi once we issued the ECC, dapat faithfully kino-comply ng proponent 'yun," pahayag ni Leones sa mga mamamahayag.

Noong 2007, naglabas ng ECC ang DENR para sa provincial government ng Palawan na nagsusulong ng CBDP, at ito ay sumasaklaw sa tatlong ektaryang coastal reclamation sa Coron.

Matapos ang dalawang taon ay nagbigay muli ng ECC sa Palawan government para sa karagdagang reclamation ng 48 ektarya sa lugar.

Gayunman, natuklasan sa imbestigasyon ng DENR na walang kaukulang permit ang proyekto, katulad ng area clearance, ayon nabanggit na opisyal.

Tumigil din aniyasa operasyon ang proyekto limang taon mula nang ilabas ang ECCs

"Ina-assess namin ang damage diyan sa coastal area, sa ecosystems ng sa ilalim ng tubig diyan at tinitiyak namin na under the Clean Water Act, tingnan natin kung may pananagutan sila, kung mayroon silang violations sa provisions ng mga batas na ito.Tinitiyak namin na hindi lang administrative sanction ang ibibigay namin sa kanila, pati criminal kung dapat silang kasuhan sa korte," lahad pa nito.