Proud na ibinahagi na si Miss Trans Global 2022 Mela Habijan na isa siya sa mahigit 15 milyong bumoto kay outgoing Vice President Leni Robredo sa katatapos lamang na eleksyon.
“Karangalan ang maging isa sa 15,035,773 na tumindig para sa Pag-ibig, Pag-asa, at Pilipinas! Nakaukit ito sa kasaysayan. Magpapatuloy ang kuwento sa bagong kabanata," saad ni Habijan sa kaniyang Facebook post, Mayo 26, 2022, isang araw matapos ang proklamasyon ng mga nanalo sa pagka-pangulo at ikalawang pangulo.
Nang eksklusibong makapanayam si Habijan ng Balita Online ukol sa kaniyang mensahe tungkol sa naganap na proklamasyon ng tambalang BBM-Sara, ipinaabot nito ang kanyang pagbati at sinabing, “Pagbati sa mga nagwagi sa halalan. Hangad ko ang inyong mabuting pamamahala. Kaya magpapatuloy kami sa pagtindig."
"Ang panawagan, magkaisa. Madaling sabihin. Pero simple lang ang pamantayan: hindi ko sasang-ayunan ang kurap na sistema, hindi maka-Pilipinong polisiya at mapanikil na pamamahala.”
Isa si Habijan sa mga aktibong tagasuporta ni VP Leni noong nakaraang kampanya at advocate ng LGBTQIA+ rights.