Kamakailan lamang ay kinalampag ni Kapuso comedian Pokwang ang atensyon ng kaniyang internet service provider dahil halos isang linggo na raw silang 'walang silbi' at hindi makagamit nang maayos sa kanilang Wi-Fi.
Sa panahon ngayon, kinakailangan ang maayos at malakas na internet connection, mapa-celebrity man o karaniwang mamamayan. Hindi rin nakaligtas sa mga aberya sa kanilang Wi-Fi maging ang mga sikat na personalidad.
"Good morning po @pldt @PLDTHome @PLDT_Cares sana nga may cares heheeehee one week na po walang silbi ang wifi namin woohoooo ginagawa po namin ang aming obligasyon bilang consumer sana kayo din po hello goodmorning…"
Basahin: https://balita.net.ph/2022/05/24/pokwang-kinalampag-ang-internet-service-provider-one-week-na-po-walang-silbi-ang-wifi-namin/">https://balita.net.ph/2022/05/24/pokwang-kinalampag-ang-internet-service-provider-one-week-na-po-walang-silbi-ang-wifi-namin/
Sa comment section ay agad namang tumugon ang ISP.
"Hello there! Let's sort things out. Can we have your concerned telephone & contact numbers, so we can call you right after we conduct remote troubleshooting?"
Napa-react naman dito ang mga ordinaryong netizen. Kuwestyon nila, porke't artista ang nangalampag ay tila mabilis ang aksyon nila samantalang ang iba raw sa kanila ay matagal nang tumatawag sa kanilang opisina subalit tila mabagal ang pag-responde sa concerns.
Hindi na nakapag-update ang komedyante kung naaksyunan na ba ang problema niya sa internet.
Samantala, ngayong Mayo 26 naman, si Lunch Out Loud host at vlogger na si Alex Gonzaga naman ang tumawag sa atensyon ng internet service provider na kapareho kay Pokie.
Kung titingnan, mas malala ang concern ni Alex dahil halos apat na buwan daw silang walang internet sa tinutuluyang condo.
"PLDT please fix my internet sa condo. I’ve been paying for 4 months na wala ako internet. Grabe kayo mag-remind to pay monthly pero lagi padelay kayo para ayusin. Pls pls fix kasi ayaw n'yo kami pansinin privately. @PLDT_Cares."
Agad namang tumugon dito ang ISP.
"Let's have it fixed, @Mscathygonzaga. Kindly send us your PLDT account or telephone number and registered mobile number via DM for proper checking. We'll attend to your service restoration request as soon as possible. Thank you and we sincerely apologize for the inconvenience."
Nagbigay naman ng reaksiyon at komento rito ang mga netizen.
"Aba agad-agad ang sagot ah! Kung hindi kayo iko-call out publicly hindi kayo aaksyon! Wala kayong pagbabago, eversince poor ang internet service n'yo, poor din ang customer service n'yo!"
"Kung makapaningil kayo, 3 weeks pa lang nagre-remind na kayo. Tapos kung hindi makabayad sa due date, putol agad. Very poor pa naman services n'yo."
"Kahit artista AUTO BOT RESPONSE galing ng CSR equal treatment sa lahat."
Samantala, wala pang update si Alex kung naayos na ba ang kaniyang internet connection.