Walang magiging problema kay President-elect Ferdinand Marcos, Jr. kung papayag si Pangulong Rodrigo Duterte na maging anti-drug czar sa administrasyon nito.

"If he wants to," pahayag ni Marcos nang tanungin ng mga mamamahayag sa isang pulong balitaan nitong Huwebes kaugnay ng posibilidad na pagsama ni Duterte sa kanyang gobyerno at ipupuwesto bilang anti-drug czar.

Kamakailan, inihayag ni Marcos na itatalaga niya si Vice President-elect Sara Duterte-Carpio bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Gayunman, nilinaw ni Marcos na hindi pa nila natatalakay ni Duterte ang usapin.

"No, he has not, we have not talked about it. But I am open to anyone who is able to help in the government so matagal na kaming magkaibigan ni PRRD, noong mayor pa siya long, long time ago.I'm sure if he wants to play a part sasabihin naman niya sa akin, I am certainly open to that," aniya.

Bago maghalalan, hiniling ni Duterte kay Marcos na ituloy ang kanyang kampanya laban sa iligal na droga

"Ang napapag-usapan namin bago pa mag-election, basta itong mga bagay na ito ituloy mo, that is the request that is so important to him. Still, siyempre 'yung kanyang priority is the anti-drug problem," sabi ni Marcos.

"Ang kanya, sinasabi niya, one thing he was assertive na ituloy ang anti-drug syndicate na sinimulan ko. Do it your own way. He really said that. Palitan mo... but 'wag mong iiwanan 'yan kasi kawawa ang kabataan natin. Talagang nasisira ang buhay nila," pahayag pa nito.

Matatandaangnaging kontrobersyal ang war on drugs ng administrasyong Duterte dahil na rin sa libu-libong napapatay kung saan inimbestigahan pa ito ng International Criminal Court sa posibleng kasong "crimes against humanity."