Inilatag ni Senador Kiko Pangilinan ang hamon para sa susunod na administrasyon ni President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Ayon kay Pangilinan, ang hamon sa susunod na administrasyon ay mabigyan ng solusyon ang malawakang gutom at pagsirit ng presyo ng pagkain.

"Hamon sa susunod na administrasyon na bigyang solusyon ang malawakang gutom at ang pagsirit ng presyo ng pagkain. Dapat paghandaan ang nakaambang krisis sa pagkain at gutom," saad ni Pangilinan sa kaniyang social media accounts.

"Hindi lang presyo ng gasolina ang apektado sa kasalukuyang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. Malaking dagok din sa food security dito sa Pilipinas gayundin sa ibang bansa ang patuloy na sigalot na ito. Dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, tumaas ang presyo ng pataba at pestisidyo, gayundin ng transportasyon," dagdag pa niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ibinahagi rin ng senador ang report ng UN Food and Agriculture Organization (FAO) noong Marso, na itinigil na muna ng dalawang bansa ang pag-e-export ng iba't ibang uri ng grain shipments. Ramdam daw ng ibang bansa ang epekto nito at hindi umano magtatagal ay mararamdaman na rin ito ng Pilipinas. Kung nagkataon ay siguradong gutom ang aabutin ng mga ordinaryong Pilipino.

"Kung mayroong aral na mahihinuha dito, ito ay dapat hindi reliant ang Pilipinas sa ibang bansa sa usapin ng ating pangangailangan sa pagkain. Kailangan nating suportahan ang ating mga magsasaka’t mangingisda upang makapag-produce sila ng sapat na pagkain para sa ating mga kababayan," anang senador.

"Laging ipinagmamalaki na tayo’y bansang agrikultural ngunit kulang na kulang ang suporta sa sektor ng agrikultura. Matinding kahirapan ang dinaranas ng ating mga magsasaka’t mangingisda. Baon sila sa utang na nagiging resulta sa pagbebenta ng kanilang mga sakahan at ari-arian. Nakakalungkot at nakakadismaya," dagdag pa niya.

Saad din ni Pangilinan, ang hamon sa susunod na administrasyon ay tutukan ang problema sa gutom sa pamamagitan umano ng pagpapatibay se sektor ng agrikultura.

"Kaya naman ang hamon sa ating susunod na administrasyon ay tutukan ang problema ng gutom sa pamamagitan ng pagpapatibay sa sektor ng agrikultura. May mga batas na tayo na naglalayong bigyang tugon ang problemang ito katulad ng Sagip Saka Act of 2019. Kapag na-implementa nang maayos ang batas na ito, tiyak mabibigyan ng pantay na oportunidad ang ating mga magsasaka’t mangingisda at mararamdaman nila ang suporta mula sa gobyerno," aniya.

Si Pangilinan ang principal author ng Republic Act 11321 o ang Sagip Saka Act of 2019.

"Kapag sinuportahan sila nang buo at kapag sinuportahan sila nang hindi binubulsa ang pondo, tiyak dadami ang kanilang ani at huli. Kapag marami na ang supply ng pagkain, bababa na ang presyo nito. Lahat tayo makikinabang at tiyak walang Pilipino ang kakalam ang sikmura."

Sa nagdaang eleksyon 2022, nasa ikalawang puwesto si Pangilinan sa vice presidential race.

Nitong Miyerkules, Mayo 25, ipinoklama na si Sara Duterte bilang ika-15 pangalawang pangulo ng Pilipinas.