Hinihikayat ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang publiko na samantalahin ang pagkakataon at bumisita na sa bagong Manila Zoo habang libre pa ang entrance rito.

Kasabay nito, ipinagmalaki at labis na ikinatuwa ng alkalde ang natanggap na ulat na libu-libong indibidwal ang naaakit at bumibisita sa bagong Manila Zoo araw-araw.

Sinabi ni Domagoso na base sa ulat mula sa Zoo Director na si Pio Morabe, libo-libo na ang nakapunta sa zoo kahit hindi pa kumpleto ang mga hayop dito.

Sa isang ordinaryong araw aniya ay umaabot sa 10,000 ang mga bumibisita dito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Parami nang parami ang binubuksang pasilidad sa loob ng zoo. Kapag puno na at fully functional na, may bayad na kaya punta na habang libre pa,” panawagan pa ng alkalde.

Inanunsyo rin ni Domagoso na sa susunod na buwan ay maaaring magsara muna ang zoo bilang paghahanda sa formal operations nito.

Ang zoo, na isa sa mga magagandang proyektong ipinagmamalaki ni Domagoso, ay may mga first-class glass enclosures na nagbibigay sa mga bisita ng kalayaan na makita ang mga hayop nang malapitan.

Kabilang sa mga kinagigiliwang mga hayop ay sina "Mali" the elephant, mga unggoy, reptiles at naggagandaang iba't ibang uri ng mga ibon.