Masayang-masaya ang premyadong aktres at Marcos loyalist na si Elizabeth Oropesa o kilala rin sa tawag na 'La Oro', dahil proklamado na bilang ika-17 pangulo ng Republika ng Pilipinas si President-elect Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., matapos lumabas ang final and official tally ng canvassing ng mga boto kahapon, Mayo 25, na ginanap sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Aminado si La Oro na isa siyang Marcos loyalist, o tagasuporta ng yumaong dating Pangulo ng Pilipinas, ang ama ni PBBM, na si Ferdinand Marcos, Sr.
"Buhat sa puso naming mga MARCOS LOYALIST, Congratulations po Pangulong BBM," ani La Oro.
"36 yrs ka naming hinintay! Luha ng kaligayahan… Sobrang saya! Salamat po Ama!" pahayag pa ng aktres.
Sa isa pang Facebook post, ibinahagi ng aktres ang litrato ni PBBM noong kabataan nito.
"My President!" nakasaad sa caption.
Matatandaang sinabi ni Elizabeth na magpapaputol siya noon ng mga binti at paa kung mapatutunayang binayaran ang mga artistang nagpahatid ng pagsuporta sa UniTeam, bagay na pinag-alala naman ng Kakampink showbiz columnist na si Ogie Diaz.