Wala pa ring magaganap na taas-pasahe ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa kabila ng mga nauna nitong fare hike request.

Sa isang virtual press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan na hindi nila mapagbigyan ang kahilingan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang operator ng LRT-1 na magtaas ng pasahe, bunsod na rin nang patuloy na pagtaas ng consumer prices.

“First of all, [our policy is very clear that] considering the current environment with inflation, we are really not able to increase or to grant the requested fare increase by our concessionaire for LRT 1,” paliwanag niya.

Ang pahayag ay ginawa ni Batan kasunod nang paghahain ng kaso ng LRMC laban sa DOTr at Light Rail Transit Authority (LRTA) nitong unang bahagi ng buwan, dahil sa umano'y kawalan nito ng aksiyon sa kanilang fare adjustment applications at umano’y pagkabigong ma-meet ang iba pang istipulasyon ng kanilang concession agreement.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Nabatid na humihingi ang LRMC ng P2.67 bilyong halaga ng kumpensasyon, base sa isinagawang estimates hanggang noong Marso 31.

Anang naturang private operator, ‘long overdue’ na ang naturang fare hike dahil tatlong ulit na umano nila itong hiniling noong mga nakalipas na taon.

Sa kasalukuyan, ang halaga ng pasahe sa LRT-1 ay mula P15 hanggang P30 lamang.

Ayon pa sa LRMC, ang taas-pasahe na hinihingi nila ay makatutulong sa kumpanya upang mabawi ang kanilang investments para sa isinagawang LRT-1 enhancements at ekstensyon ng railway hanggang sa Cavite area.

Sinabi naman ni Batan na pinag-aaralan pa ng DOTr sa ngayon ang susunod na hakbang hinggil sa kasong inihain ng LRMC.

“On the notice of arbitration that was filed, this is of course being studied by our legal department, together with DOTr’s counsel, the office of Solicitor General. And we will handle this according to the concession agreement,” ani Batan.