Hindi napigilan ng showbiz columnist na si Ogie Diaz na sitahin ang trending na paraan ng pagbabalita sa newscast program ng NET25 na 'Mata ng Agila' tungkol sa mga anak ni outgoing Vice President Leni Robredo na sina Jillian, Tricia, at Aika, na inilarawan bilang 'kulang sa pansin' at 'celebrity wannabes'.
Ikinumpara naman ang Robredo sisters sa mga anak nina presumptive president Ferdinand 'Bongbong' Marcos at Liza Araneta Marcos na mga tahimik lang, hindi ma-socmed, at pinalaki nang maayos. na-highlight pa ang pakikipagkamay ni Sandro Marcos kay retired Comelec commissioner Rowena Guanzon na kilalang kritiko ng kaniyang ama.
Hindi rin nagustuhan ng mga netizen ang delivery o paraan ng pagbabalita ng nag-voice over sa ulat dahil sarkastiko umano ang dating nito, kaya inaakusahan ang network na 'bias' o may kinikilingan.
"Yung naka-move ka na kung hindi man wagi si VP Leni, pero ang mga paid trolls, di maka-move on kay VP Leni. Ano bang tawag sa mga ganitong klaseng nilalang?" ani Ogie sa kaniyang tweet noong Mayo 24.
"Nakakalungkot no? Pati sila, di maka-get over ke Leni. Ano pa kaya ang gusto nilang mangyari?" hirit pa ni Ogie. Niretweet niya ang kumakalat na viral video clip ng pag-uulat ng nasabing news program.
Hindi rin nakaligtas sa kaniya ang dating ABS-CBN/DZMM news anchor na si Alex Santos na news anchor na ngayon ng Mata ng Agila.
"Gusto kaya ni broadcaster Alex Santos itong ginagawa niya o wala lang siyang choice?" untag ni Ogie.
Habang isinusulat ito ay nananatiling trending sa Twitter ang NET25. Ang estasyong ito ay pagmamay-ari ng Iglesia Ni Cristo, na nag-endorso naman kina presumptive president at vice president Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. at Sara Duterte.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o opisyal na pahayag ang pamunuan ng Mata ng Agila, si Alex Santos, o maging ang NET25 tungkol dito.