Hindi ipoproklama ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nanalong party-list group na may kinakaharap na disqualification cases.

Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia, hindi maaaring magproklama ang Comelec, na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) para sa senatorial at party-list race, ng mga grupong nahaharap pa sa kanselasyon ng registration.

Aniya, kailangan munang maresolba ng poll body ang mga isyung kinakaharap ng mga naturang party-list group bago sila mabigyan ng certificate of proclamation.

Paglilinaw ni Garcia, kung ang kaso ay patungkol lamang sa nominees ay maaari pa ring maiproklama ang party-list group.

“Alam naman natin na noong nakaraan, basta ang disqualification petition ay against sa mismong party-list, hindi tayo nag-i-issue ng certificate of proclamation. Pero kung ang disqualification ay patungkol lang sa nominees, ay nag-i-issue tayo pabor sa party pero hindi sa nominee,” paliwanag ng opisyal.

Matatandaang itinakda na ng Comelec ang proklamasyon sa winning party-list groups saPhilippine International Convention Center (PICC)sa Huwebes, Mayo 26, dakong 4:00 ng hapon.

Kabilang sa mga party-list group na nakatitiyak na ng puwesto sa Kongresoang Kabataan at Gabriela. Gayunman, nahaharap pa rin ang mga ito sa kahalintulad na kaso.