Ipinasara na ang pitong online sabong websites dahil sa iligal na operasyon nito, ayon sa pahayag ng Department of Interior and Local Government (DILG) nitong Miyerkules.

Ipinahayag ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, iniimbestigahan pa rin ng anti-cybercrime unit ng pulisya kung sino ang administrator ng pitong e-sabong website upang masampahan ng kaso.

Tinututukan pa rin aniya ng pulisya ang 12 pa na website at walong social media pages sa paniwalang sangkot din sa online sabong operations.

"We are coordinating with the Department of Information and Communication Technology for these websites to be shut down.Of the 12 websites, only 2 were registered in the Philippines while the rest are located in other countries," sabi ni Malaya sa panayam sa telebisyon.

Aniya, natuklasan din nila na mayroon ding mga Facebook group na nag-aalok ng link sa mga interesadong maglaro ng e-sabong.

Nanawagan din ito sa parent company ng Facebook na Meta na burahin ang pages ng online sabong dahil malaya ang mga menor de edad na makapasok sa kanilang sites.

"Since the mode of payment and cash-out is through GCash and other platforms, they will also request the assistance of Globe in putting a stop to the use of their platform for illegal purposes.These illegal e-sabong outfits are operating without licenses or franchises from the national or local governments and are not remitting a single peso in revenue to the state,” paliwanag pa ni Malaya.