Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na sangkot umano sa investment scam sa isang operasyon sa Quezon City nitong Miyerkules.

Hawak na ngayon ng NBI-Anti-Organized and Transnational Crime Division (AOTCD) sina Florentina Sapala, CEO/president; Alvin Soriano, VP sales for Luzon; Alexander Duran, VP sales for Mindanao; Christian Sales, VP marketing; Jane Vergacer, assistant finance manager; at Wilfredo Pogoso, pawang opisyal ng I7 Global Corporation (I7 Global).

Sinabi ni NBI-OIC Eric Distor, nauna na niyang iniutos na dakpin ang mga opisyal ng nasabing kumpanya dahil sa impormasyong umano'y pagbebenta at pag-aalok ng malaking kita sa kanilang investment scheme kahit walang kaukulang lisensya sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Dahil dito, nagsagawa imbestigasyon ang NBI sa pamamagitan ng pagdalo sa business presentation ng kumpanya sa Ortigas Center sa Pasig City noong Mayo 14.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Taliwas sa pahayag ng kumpanya, natuklasan ng NBI na hindi nakarehistro sa Food and Drug Administration (FDA) ang mga health product na ginagamit ng mga itong panghikayat ng mamumuhunan.

Bukod sa investment packages na nagkakahalaga ng ₱8,777 bawat isa, nag-aalok din ang kumpanya ng tinatawag na "share subscription" investment opportunity na ₱1 milyon kung saan kikita umano ang investor ng isang porsyento ng kabuuang kita ng kumpanya kada anim na buwan.

Matapos makakuha ng ebidensya, agad na nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng NBI kay Soriano at sinabing handa na ang ₱3 milyong halaga ng investment.

Inaresto ang anim na opisyal ng kumpanya nang tanggapin ng mga ito ang marked money sa 19 Cliff Drive, Blue Ridge A, Quezon City nitong Mayo 20.

Nahaharap ang mga ito sa kasong syndicated estafa, paglabag sa regulasyon ng FDA at SEC.

PNA