Sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) sa Hunyo ang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakdang idaos sa bansa sa Disyembre 2022.
Sa Laging Handa public briefing nitong Martes, sinabi ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia na tuloy ang paghahanda nila para sa naturang halalan sa kabila ng mga panukalang ipagpaliban ito.
Ayon kay Garcia, ititigil lamang nila ang isinasagawang preparasyon sakaling magkaroon na ng batas na magpapaliban sa naturang halalan.
Wala namang nakikitang problema si Garcia sakaling matuloy ang pagpapaliban ng halalan.
Aniya, magiging beneficial pa nga ito sa pamahalaan dahil matitipid nila ang may P8.6 bilyong pondo, na inilaan para sa naturang eleksyon.
Sinabi naman ni Comelec acting Spokesperson Rex Laudiangco na may anim na buwan na lamang sila para paghandaan ang eleksyong idaraos ng Disyembre 5 kaya’t hindi na sila maaaring magpatumpik-tumpik pa sa preparasyon para dito.
Ang naturang halalang pambarangay ay magiging manu-mano o manual elections lamang.
Inaasahan namang boboto rin ang mga kabataang nagkakaedad ng 15 hanggang 17-taong gulang para sa SK polls.
Una nang sinabi ni Garcia na ipagpapatuloy na nila ang voter registration para sa barangay elections sa huling bahagi ng Hunyo o unang linggo ng Hulyo.