Pinalagan ng Kabataan Partylist ang panibagong akusasyon ng tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na si Lorraine Badoy matapos akusahan ang isang tweet ni first nominee at presumptive Congressman Raoul Manuel.

Ani Badoy, isang tweet umano ni Manuel ang labag sa batas at aniya’y seditious dahil sa paghihikayat nitong mag-aklas laban sa gobyern, isang bagay na agad pinabulaanan ng kanyang partylist.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Manuel simply posed an observation that deteriorating governance stemming from fraud-tainted elections would likely spur armed rebellion further,” depensa ng Kabataan PL, Martes, Mayo 24.

Dagdag nila, isa itong bigong pagtatangka na gumawa ng kontrobersya bilang bahagi ng mga hakbang ng NTF-ELCAC na mapatalsik ang kinatawan ng kabataan sa Kongreso.

“With Kabataan winning a sure seat, the task force is going overdrive to prevent Kabataan Partylist's proclamation,” sabi ng Kabataan PL.

Sa isang maikling Facebook video, hindi rin pinalampas ni Manuel at direkta nitong sinagot ang mabigat na akusasyon ng NTF-ELCAC mouthpiece.

Sagot niya, ang kaniyang tweet ay hango lamang sa kasaysayan na iniluwal ng administrasyon ng ama ni Presumptive President Bongbong Marcos Jr. “May kasabihan nga na ang administrasyon niya ang number one recruiter ng armed rebels... so walang seditious doon.”

Samantala, tinira rin ni Manuel si Badoy at sinabing ang tagapagsalita ay isang malinaw na pruweba na naging marumi ang naganap na halalan.

“Pano? Kasi siya, bawal nga siya mangampanya dapat for or against any candidate given ang posisyon nya sa gobyerno. Pero throughout the campaign season isa siya sa nangampanya against progressive partylists like us. Hopefully naman sa Office of the Ombudsman ay maaksyunan na ang kasong sinampa namin," anang first nominee.

Ipinapakita lang umano ni Badoy ang takot nitong aktibong muling ipanawagan ng Kabataan PL sa Kongreso na tanggalan ng bilyong-halagang pondo ang NTF-ELCAC.

“Hanggang ngayon pinapatunayan nila na walang patutunguhang maganda ang bilyon-bilyong pisong budget nila. Kaya kahit di pa tayo nakaupo ay inaatake na tayo nang ganito," pagtatapos ni Manuel.

Ang NTF-ELCAC ay dati nang umani ng kontrobersiya sa pangunguna ni Badoy.

Sa kasasagan ng pag-usbong ng community pantries noong 2021, matatandaang pinatawan si Badoy kasama si LtGen Antonio Parlade ng gag order matapos ang umano'y panre-redtag ng dalawa sa mga organizer ng inisyatibang bayanihan sa kanilang mga pahayag.