Ikinagalak ng mga residente ng isang barangay na mula sa ikatlong distrito ng Maynila, ang ginawang pagtatanggal ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ng isang basketball court na inilagay mismo sa gitna ng kalye at nagiging sagabal sa mga pedestrian at motorista.

Sinabi ni MTPB chief Dennis Viaje nitong Lunes na ang pagtanggal ng basketball court sa Lope de Vega, na sakop ng Barangay 329, sa Sta. Cruz, Maynila ay alinsunod sa umiiral naDepartment of the Interior and Local Government (DILG) order na nagre-regulate sa paggamit ng mga kalsada, abenida, eskinita, bangketa, mga pasyalan at iba pang pampublikong lugar na nasa hurisdiksyon ng local government unit (LGU).

Ayon kay Viaje, kaagad na umaksyon ang MTPB matapos na matanggap ang mga reklamo mula sa mga motorista at pedestrians na napagkaitan ng pagkakataong gamitin ang nasabing kalye dahil sa naturang basketball court.

Maging ang mga concerned parents ay nanghingi na ng tulong sa MTPB para sa mabilisang pagtanggal ng nasabing court dahil ito ay ginagawang sugal na ilang mga residente sa pamamagitan ng paglalagay ng malalaking pusta sa mga naglalaro ng basketball na kabilang sa liga.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

“Madami pong reklamo dahil lagi pong sinasara ang kalsada kahit regular days kaya ‘yung mga motorista po ay nagagalit. Isa pa po, naging sugalan ang lugar na yan ang lalaki po ng pustahan. Nung alisin po namin ang court ang dami pong natuwa dahil nawala daw yung perwisyo sa kalye,” sabi ni Viaje.

Sa reklamo ng mga magulang, may mga indibidwal na nag-o-organisa ng liga ng basketball kung saan sa bawat laro ay tinatayaan ng malalaking pusta at pinagkakakitaan ng mga nag-organisa.

“Mali po talaga na isara ang kalsada dahil lang sa laro at tagubilin din po ‘yun ng DILG,” sabi ni Viaje.

Idinagdag pa niya na ang pagtanggal ng basketball court ay ipinagbigay-alam sa barangay at sinaksihan pa ng mga barangay kagawad sa lugar.