Inaresto ng pulisya ang isang lalaki na nakuhanan ng P55 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Tala, Caloocan City noong Lunes, Mayo 23.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Tantawi Salic alyas “Tangie”, 35, residente ng Caloocan City.

Isinagawa ang buy-bust ng mga operatiba ng Caloocan Police Station sa Riverside Phase 12, Barangay 188, Caloocan City dakong 3:50 ng madaling araw.

Nakuha ng pulisya mula sa suspek ang walong piraso ng transparent vacuum-sealed plastic at isang plastic bag na naglalaman ng kabuuang 8,100 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P55,080,000.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nasamsam din ang pitong piraso ng foil wrapper bag, isang blue travel backpack, isang black digital weighing scale, dalawang pirasong P1,000 bill, at boodle money na ginamit sa buy-bust, sabi ng pulisya.

Nakakulong ngayon si Salic sa custodial facility ng Caloocan Police Station.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Allysa Nievera