Tatanggap ng karagdagang tig-₱2,000 honoraria ang mga poll workers na napilitang mag-overtime dahil sa ilang aberya at problema noong May 9 polls.

Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na ang naturang karagdagang bayad ay ibibigay sa mga poll workers na mula sa may 2,308 presinto kung saan nag-malfunction ang mga ginamit na vote counting machines (VCMs) at SD cards.

“Ginawan na po namin ng paraan na kahit paano lahat po ng miyembro ng mga electoral board, DESO staff, support staff ay pantay-pantay makakakuha ng tig-₱2,000,” ayon kay Garcia.

Kasabay nito, humingi rin ng paumanhin si Garcia sa mga concerned teachers dahil sa pagkabigo ng poll body na ibigay ang halagang hinihingi ng Department of Education (DepEd) para sa naturang karagdagang bayad.  

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Paglilinaw naman ni Comelec acting spokesperson Rex Laudiangco, ang mga poll workers na nakaranas ng iba pang problema sa eleksyon, na walang kinalaman sa VCMs at SD cards, ay tatanggap rin ng ekstrang kompensasyon.

“Yan po yung lahat ng naka-experience ng issues, hindi lamang ito yung pinull out yung VCM. So all issues—VCM, SD cards, procedural—na naka-experience ng delay sinama na po namin sila lahat sila ay ico-compensate na,” aniya pa.

Ani Election Task Force Head Atty. Marcelo Bragado Jr., aabot sa 647,812 personnel ng DepEd ang nagsilbing poll workers sa katatapos na halalan sa bansa.