Inamin ng singer-actress na si Kuh Ledesma na labis din siyang nalungkot sa pagkatalo nina Vice President Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan nitong eleksyon 2022.
Certified kakampink o tagasuporta ni Robredo si Kuh Ledesma. Katunayan nga sumasama rin siya sa mga house-to-house campaign at nagpeperform sa mga sorties ng Leni-Kiko tandem. Kaya naman labis ang kaniyang pagkalungkot nang matalo ang kaniyang kandidato.
Sa isang Instagram post kamakailan, ibinahagi niya ang maikling mensahe para sa kapwa niyang kakampink na nalulungkot pa rin sa naging resulta ng halalan.
"Kasi alam ko there's still a lot of people who are sad. Ako rin nalungkot, sobra, ilang days ko 'yang pinagdasal. Ayokong manatiling malungkot dahil I'm grateful to God no matter what. Ang Diyos ang may hawak ng lahat ng bagay, He is in control," sey ni Kuh.
Aniya, wala nang ibang magagawa ang mga tao kung hindi ipagdasal ang mga susunod na lider ng bansa. "Eh kung gusto ng taumbayan natin na 'yan ang iboto, wala tayong magagawa 'diba? Ang magagawa lang natin ay ipagdasal ang ating mga leaders."
"What else can we do? Alangan namang magsisiraan na lang or 'yung may mga nagbabash, alangan namang we will fight fire with fire, no. Surrender them all to God and just pray. Ikaw na Diyos ang bahala sa kanila," dagdag pa niya.
Samantala, kahit hindi nanalo sa pagka-presidente. Inanunsyo ni Robredo na gagawin niyang non-government organization ang Angat Buhay program-- na inilunsad niya habang siya ay nakaupo bilang bise presidente ng bansa.
Nakatakdang ilunsad ang Angat Buhay NGO sa Hulyo 1, 2022.