Handang-handa na ang Commission on Elections (Comelec) at mga security forces para sa pagdaraos ng special elections sa Lanao del Sur sa Martes, Mayo 24, 2022.
Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Linggo na tutulong ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG) sa poll body sa pagdaraos ng special elections sa Tubaran, Lanao del Sur.
Matatandaang ang naturang lugar na lamang ang nag-iisang lugar na hindi pa nakapagsumite ng Certificate of Canvass (COC) para sa May 9, 2022 national and local elections matapos ang naganap na mga kaguluhan doon noong araw ng halalan.
“Handang handa na ang Comelec. Ang ating AFP, PNP, at pati nga po PCG ay nakikipag-ugnayan na sa 'tin. Medyo dinamihan natin ang ating puwersa diyan sa Lanao del Sur dahil ‘yung posibilidad na magkaroon ng violence at magkaroon na naman ng kaguluhan diyan ay napakataas sa Tubaran,” ayon pa kay Garcia, sa panayam sa radyo.
Ipinaliwanag ng poll commissioner na ang mga personnel ng PNP ang siyang magti-take over sa special elections sa 14 na polling precincts sa Tubaran bilang proteksyon sa mga guro.
“Ang gagamitin natin diyan ay hindi mga teacher sapagkat tinatakot ang mga guro natin eh. At natatakot din sila. At the same time, may mga pressure sa kanilang mga pamilya. Ang gagamitin natin ay mga miyembro ng PNP na ating na-train nang ilang araw at linggo,” aniya pa.
Matatandaang nasa 12 barangays sa Tubaran ang iniulat ng Comelec na nakapagtala ng karahasan, pagbabanta at intimidasyon na may kinalaman sa halalan.
Kabilang sa mga naturang barangay ang Tangcal, Datumanong, Guiarong, Baguiangun, Wago, Malaganding, Gadongan, Riantaran, Pagalamatan, Mindamunag, Paigoday-pimbataan, at Metadicop.
Tiniyak naman ng Comelec na siya ring tumatayong mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC), na sa sandaling matapos na ang special elections ay kaagad nilang ika-canvass ang COC mula sa Tubaran upang makapagproklama na ng mga nanalong party-list groups.