Pinagpapaliwanag na ng Commission on Elections (Comelec) ang Cargo forwarder na F2 Logistics matapos na madiskubre ang mga election documents na itinambak sa isang bakanteng lote sa Amadeo, Cavite.

Paglilinaw naman ni Comelec Commissioner George Garcia, nasa preliminary pa lamang ang isinasagawa nilang imbestigasyon.

Ayon kay Garcia, aalamin nila kung ang F2 Logistics ba, na kanilang partner sa pagbibiyahe ng mga balota, vote-counting machines (VCMs), at iba pang supplies para sa 2022 elections, ang kumuha at nag-iwan ng mga naturang dokumento.

“Pinagpapaliwanag sila ngayon. Nakikipag-ugnayan na ‘yung ating—‘yun nga si Director [J. Thaddeus] Hernan ng Administrative Services Department,” ayon kay Garcia, sa isang panayam sa teleradyo nitong Linggo, nang matanong kung may pananagutan ba ang F2 Logistics sa insidente.

“Gusto rin naming alamin kung talaga bang sila ang nag-pick up ng mga dokumentong ‘yan at sila rin ba ‘yung nag-iwan ng mga dokumentong ‘yan,” aniya pa.

Nauna rito, nag-viral ang video at mga larawan ng mga election documents na natagpuang nakatambak sa isang bakanteng lote.

Paglilinaw naman ni Garcia, ang mga naturang balota na nakita sa mga video at mga larawan, ay mga training ballots lamang mula sa Tondo, Manila at hindi ang mga opisyal na balotang ginamit noong May 9 elections.

“Nagpa-initial investigation po tayo. Pinatawag din natin ang ating election officer dito po sa Manila… at sinasabi niya, tama, hindi po ito mga balota, hindi po ito mga original na balota,” ayon pa kay Garcia.

“Ito po ay mga training ballots — meaning ‘yung mga balota na ginamit natin nung tayo ay nagte-training at the same time nagfa-final testing and sealing — at mga ilang dokumento,” aniya pa.

Sinabi rin naman ni Garcia na walang election returns na nakita sa mga naturang viral video at mga larawan.