Nagpakitang-gilas si Tokyo Olympic bronze medalist Eumir Marcial sa pagpapatuloy ng 31st South East Asian (SEA) Games sa Vietnam nitong Linggo.
Ipinatikim na agad ni Marcial ang kanyang bagsik sa kalabang East Timorese na Delio Anzaqeci nang bigyan niya ito ng right hook sa unang round pa lang ng laban sa Bac Ninh Gymnasium.
Dalawang beses na binilangan ng reperi si Anzaqeci nang yumanig ang katawan dahil sa malalakas na suntok ni Marcial sa nasabi pa ring bugso ng laban.
Sa ikalawang pagbilang ng reperi laban kay Anzaqeci, nagpasya ito na ihinto na ang laban at binigyan ng 5-0 iskor si Marcial kaya nakuha nito ang gintong medalya.
Ito na ang ikaapat na gold medal ni Marcial sa pagsabak nito sa SEA Games.
Kaugnay nito, nahablot naman ni defending champion Rogen Ladon ang unang gintong medalya sa boksing para sa Pilipinas matapos sumuko sa kanya ang Vietnamese na si Tran va Thao sa men's flyweight division.
Nakapag-uwi rin ng gold medal si Ian Clark Bautista nang paluhurin si Naing Latt ng Myanmar sa kanilang laban sa men's featherweight division.