Nanawagan si senator-elect at broadcaster Raffy Tulfo kay Pangulong Rodrigo Duterte, na ideklarang 'National Day of Mourning' ang araw ng paghahatid sa huling hantungan sa yumaong 'Queen of Philippine Movies' na si Susan Roces o 'Jesusa Sonora Poe' sa tunay na buhay.

Pumutok ang balita ng kaniyang pagpanaw nitong Biyernes ng gabi, Mayo 20, na kinumpirma ng kaniyang adoptive daughter na si Senadora Grace Poe.

"Few celebrity icons are as loved as Ms. Susan Roces. Hindi mawawaglit sa aming mga tagahanga niya ang kaniyang di mabilang na mga pelikula, programang pantelebisyon, at patalastas."

"We ask President Rodrigo Roa Duterte to declare a national day of mourning on the day of her burial,” panawagan ni Tulfo.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Binabalak umano ng kaniyang misis na si Rep. Jocelyn Tulfo na mag-file ng isang House Resolution sa susunod na linggo, “na mabigyang-pugay ang legacy ni Tita Swannie at mainominate siya sa para sa parangal na National Artist.

“Jocelyn, Ralph, my entire family, and I express to Senator Grace Poe our sincerest condolences on the passing of her mother, Susan Roces, beloved by all Filipinos,” pahayag pa ng bagong mambabatas.

Wala pang tugon ang Palasyo tungkol dito.

Bukas naman sa publiko ang burol ng namayapang movie icon, na kasalukuyang nakalagak sa Heritage Park, Taguig City. Magsisimula ang public viewing ngayong araw, Mayo 21, mula 6:00 hanggang 10:00 ng gabi.

Mula bukas, Mayo 22 hanggang Martes, Mayo 24, ang public viewing ay mula 10:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi.

Matutunghayan naman sa Zoom ang araw-araw na pamisa para sa kaniyang kaluluwa.. Wala pang malinaw na detalye tungkol sa kaniyang libing.

Ipinapaalala naman sa publiko na sundin ang health protocols kapag pupunta sa burol ng namayapang aktres.

Larawan mula sa Manila Bulletin