Isa sa mga celebrity na bumulaga sa campaign sorties ng mga politiko ang tinaguriang Concert Queen Pops Fernandez, na ikinampanya sa pagka-bise presidente ang ninong na si Senate President Tito Sotto III, ngunit nagtanghal din sa UniTeam noong Mayo 7, sa grand miting de avance nina presumptive president Bongbong Marcos at presumptive vice president Sara Duterte.
Paalala ni Pops, sana matapos na ang mga away dahil sa naganap na halalan. Tapos na raw ang halalan kaya sana raw ay mag-move on na ang mga tao. Nakapanayam siya ng press sa media conference ng US concert tour nila nina Hadji Alejandro, Rey Valera, Nonoy Zuniga, at Marco Sison noong Miyerkules, Mayo 18.
"At the end of the day, iisa lang naman ang gusto natin sa ating bayan. Gusto natin makakita ng napakalaking improvement para sa atin."
"Ang nakalimutan po natin is lahat po tayo, magkababayan. Lahat po tayo Pilipino so iisa lang po yung pagnanasa nating makamtan."
"Sana po walang away."
Ganoon naman daw talaga ang esensya ng halalan. Lahat ay may kaniya-kaniyang manok. Ang iba tuloy, natakot na ibulalas ang kanilang napipisil na kandidato, sa takot na ma-cancel.
Palagay ni Pops, ang nawala raw ngayon sa mga tao ay ang pagbibigay-respeto sa desisyon ng isa't isa.
Sa ngayon daw ay nagdesisyon na ang mayorya ng mga Pilipino kaya sana raw ay tanggapin na lamang ito.
"Nagawa na po yung choice so I think, we have to respect that and again, dapat po magrespetuhan sa isa't isa,"aniya.
Magsisimula ang kanilang concert tour na 'Four Kings and A Queen' sa Hunyo 2022.