Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na bigla na namang tumaas ang bilang ng bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa nitong Sabado sa gitna ng banta ng Omicron sub-variants.
Sinabi ng DOH na ang 246 na bagong nahawaan ng sakit nitong Mayo 21 ay pinakamataas na kaso simula Mayo 1.
Sa pagkakadagdag ng nabanggit na bilang, umabot na sa 3,688,751 ang kabuuang kaso ng Covid-19 sa bansa.
Nilinaw pa ng ahensya na 120 sa naturang bilang ay taga-Metro Manila.
Sa pinakahuling datos ng DOH, nakarekober na sa sakit ang 3,626,038 habang aabot naman sa 60,455 ang binawian ng buhay.
Nauna nang nagbabala ang independent group na OCTA Research na lumobo na sa 17 porsyento ang kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR).
Nagbabala na rin ang DOH sa publiko matapos maitala ang kaso ng Omicron sub-variant sa isang biyahero mula sa gitnang silangan at dumating sa bansa nitong Mayo 4.