Hindi na pinalipas ni Senador Francis "Kiko" Pangilinan ang paratang sa kanya na siya ay umano'y magpapasimuno ng rebolusyunaryong kilusan na "EDSA 4."
Sa post ng Facebook user na si Mark Lopez, tinanong nito kung ano ang ginagawa ng senador sa Forbes Park at kung nagbabalak umano ito magsimula ng EDSA 4.
Aniya, "Dear KIKO, Ano daw ginagawa mo ngayon jan sa Forbes Park sa bahay ng isang beteranang artista, kasama ang ilang destabilizers Nagbabalak daw kayo ng EDSA 4? Ikaw pasimuno?"
Pinalagan naman ito ni Pangilinan at sinabi na hindi totoo ang mga paratang ng netizen.
"Dear MARK, Hindi makatotohanang paratang. Ako'y nasa aming farm ngayon mula pa noong Huwebes. Tama na ang paninira ng kapwa. Kung may mga kausap man ako ay mga gulay at mga beteranong mga native na baboy dito sa 'porks park' sa farm. Salamat!" sagot ng senador sa comment section ng post ni Mark.
Ngunit matapos sagutin ni Pangilinan ang paratang humiling ito ng isang request na mag-live upang, aniya, ay mabigyang linaw ang katotohanan.
"Salamat po sa sagot sa malinaw naman na tanong. Mas maganda po sana kung live nyo sinagot para naman mas ma appreciate namin yung pakikihalubilo nyo sa mga sinabi nyo na kausap nyo. And at the same time, mag bigay na rin po sana kayo ng malinaw na concession statement para mawala na yang mga “paratang” na sinasabi nyo. Salamat po muli," ani Mark.
Wala pang kasalukuyang sagot ang senador at inulan naman ng batikos ang umano'y paratang ni Mark mula sa taga-suporta ni Pangilinan.
Matatandaan na noong Mayo 19, matapos ang resulta ng halalan ay nag-post si Pangilinan ng isang update na nasa isang sakahan ito.
Ani Pangilinan, "Samantala, balik farming ang isa sa mga una sa agenda kasama sina Jenn at Jona ng Sweet Spring Country Farm. Anuman ang maging resulta ng halalan, kailangan pa rin kumain ang taumbayan at kakailanganin pa rin ang mga magsaka. Tuloy pa rin ang gawain sa sakahan. Kikilos pa rin!"