Mukhang hindi na matutuloy ang pagbabalik ni Daisy Lopez a.k.a. 'Madam Inutz' sa Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 bilang wildcard batay sa latest Facebook post ng kaniyang talent manager na si Wilbert Tolentino, gamit ang Facebook account ng kaniyang alaga.
Matatandaang inihayag ng PBB ang muling pagbabalik nina Brenda Mage at Madam Inutz sa Bahay ni Kuya bilang mga wildcard. Pagsasama-samahin na ang mga napiling top 2 ng celebrity edition, adult edition, at teen edition.
"Hello mga Kainutz, Wilbert Tolentino here manager ni Madam Inutz. May onting anunsyo lang po ako para sa inyo at alam ko maiintindihan n'yo po ako sa bawa't decision ko ay para din sa ikabubuti din para sa kanyang karera," aniya nitong Mayo 20.
"Sa pagbalik ni Madam Inutz sa PBB BIGA10 Comeback bilang WILDCARD, kami po lubos nagpapasalamat sa STAR MAGIC sa pagtanggap ng invitation para masama siya bilang isang WILDCARD. At bilang isang professional manager kinomply ko lang at pinabalik ko siya kahit appearance lang para wala masabi ang management na sinasabing NETWORK sa part ko."
"Malungkot ko sasabihin na hindi ko siya ilalaban itong PBB BIGA10 GRAND FINALS. dahil may mga rason at sapat na dahilan ako kaya nag-post ako ng anunsyo na hindi ko na siya ilalaban itong Grand Finals. Ngunit hindi ko na i-disclose sa social media itong lalim na dahilan dahil lahat tayo may iba't ibang pananaw sa buhay at sa pag-comment. Good or bad minsan malaking impact ang isang komento. Miss Universe 2015 once said 'THINK BEFORE YOU CLICK'.
"But rest assured forever grateful & thankful din kami sa NETWORK sa pagbukas ng oportunidad para kay Madam Inutz. You know sometimes it's better to remain silent & smile."
Tila may makahulugang pahayag naman siya sa isang network.
"Ang isang NETWORK kaya nila pasikatin at i-build ang isang ARTIST, pero tatandaan n'yo rin may kapasidad din sila PABAGSAKIN at tapusin din ang karir ng isang ARTIST kung hindi na nila pakikinabangan. You are smart enough to figure things out sa mga nakaka basa ng statement ko."
Binanggit din ni Wilbert na kung ikukuwento man daw niya ang paraan o estilo niya ng pagma-manage ng artista, gagawin daw niya ito sa Toni Talks ni Toni Gonzaga o kaya kay Senador Raffy 'Idol' Tulfo.
Si Wilbert Tolentino ang namamahala sa career nina Madam Inutz at Herlene Budol, na kalahok naman sa Binibining Pilipinas, at nasa GMA Network.
Si Madam Inutz naman ay gumagawa ng proyekto sa ABS-CBN. Kabilang siya sa cast ng sweetcom na 'My Papa Pi' nina Piolo Pascual at Pia Wurtzbach. Kamakailan lamang ay naitampok sa 'Maalala Mo Kaya' o MMK ang buhay niya, na ginampanan ni Dawn Chang.
Sa panahon ng pamamalagi sa PBB ay umani sila ng kritisismo ni Brenda mula sa mga netizen, na nagsasabing isa raw silang 'Marites'.