Pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor-elect Yul Servo ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nasunugan sa isang residential area sa Baseco Compound, Port Area, Manila noong Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Social welfare chief Re Fugoso nitong Sabado na nasa kabuuang 277 pamilya ang tumanggap ng tig-P10,000 mula kay Domagoso.

Tiniyak naman ni Domagoso sa mga biktima ng sunog na hindi sila pababayaan ng lokal na pamahalaan.

Anang alkalde, ang naturang halaga ay maliit na tulong na pamahalaang lungsod upang makapagsimula silang muli.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

"Para sa aking minamahal na kababayang nasunugan sa Baseco nitong linggo, umasa kayo na naririto ang buong pamahalaan ng lungsod ng Maynila na kaagapay niyo sa lahat ng oras," ani Domagoso.

"Wag kayong mag-alala. Minsan talaga sa buhay, tayo ay madadapa o kakaharap sa pagsubok. Ang importante, tuloy ang buhay. Palagi niyo pong tandaan na habang may buhay, may pag-asa.

"Kapit lang. May awa ang Diyos. Kasama niyo kami sa pagsubok na ito. May gobyerno kayong masasandalaan at hindi kayo papabayaan," paglalahad pa niya.

Ang naturang sunog ay sinasabing nagsimula sa isang dalawang palapag na residential house na pagmamay-ari umano ng isang Juliet Mongado dakong alas-7:40 ng gabi noong Huwebes.

Umabot ito ng ikaapat na alarma bago tuluyang naapula dakong alas-12:02 ng madaling araw ng Biyernes.

Nahirapan umano ang mga pamatay-sunog na apulain ang apoy dahil na rin sa makikitid ang mga eskinita sa lugar.

Wala namang iniulat na nasugatan o namatay sa naturang sunog na tumupok sa may P1 milyong halaga ng mga ari-arian at nakaapekto sa daan-daang pamilya sa lungsod.