Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na ipatigil ang operasyon ng online sabong sa bansa dahil patuloy umanong nilalabag nito ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto na ito.
Pagbibigay-diin ni DILG Secretary Eduardo Año, hindi dapat magpatumpik-tumpik pa ang Anti-Cybercrime Group ng PNP sa paghahanap sa pitong online cockfighting sites upang mapanagot sa kanilang iligal na operasyon
“These illegal e-sabong outfits are operating without licenses or franchises from the national or local governments and are not remitting a single peso in revenue to the state,” paliwanag naman ni DILG Spokesperson Jonathan Malaya sa panayam sa telebisyon nitong Sabado.
"Dahil illegal po ito, hindi n'yo po alam kung saan napupunta ang inyong pera or kung may dayaan," aniya.
Umapela rin ito sa publiko na isuplong sa DILG o sa pulisya kung may matutuklasan pa silang nag-o-operate ng online sabong sites kahit iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ito.
Matatandaang nagpasya si Duterte na ihinto na ang operasyon ng e-sabong bunsod na rin ng negatibong dulot nito sa mga Pinoy at kahit bilyun-bilyon pa ang naipapasok nito na kita ng pamahalaan.
Bukod dito, isinisi rin sa online cockfighting ang pagkawala ng 34 na sabungero sa iba't ibang lugar kamakailan.