Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang pinaghihinalaang food-borne illnesses na dumapo sa mga estudyante sa elementarya sa Sta. Catalina, Negros Oriental, na sinasabingnakuhaumano ng mga ito matapos na uminom ng diumano’y kontaminadong gatas na ipinamahagi sa mga eskuwelahan sa ilalim ng School-Based Feeding Program (SBFP).
Ang SBFP ay una nang inilunsad bilang isa sa mga prayoridad na inisyatiba ng Kagawaran, upang matugunan ang kagutuman at hikayatin ang mga estudyante na mag-enroll at makapagbahagi sa pagpapalakas ng kanilang kalagayang nutrisyon, alinsunod na rin sa mandato ng Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
Gayunman, sinasabing ang gatas na ipinamahagi sa mga estudyante, sa ilalim ng naturang programa, ang nagdulot ng karamdaman sa ilan sa mga ito.
Tiniyak naman ng DepEd na nakikipagtulungan na sila sa lokal na pamahalaan, National Dairy Authority, at mga kaugnay na ahensiya para sa pagsusuri ng sample ng gatas at sa imbestigasyon ng insidente.
Batay anila sa field report, karamihan sa mga apektadong estudyante ay nakaranas ng mild illnesses, kabilang ang dehydration at nausea.
Ang mga naturang estudyante ay ginamot sa mga kalapit na ospital at nakauwi rin kalaunan.
Anang DepEd, pinadali rin nila ang pagbibigay ng agarang tulong medikal sa mga apektadong indibidwal at sa ngayon ay patuloy pa ring sinusubaybayan ang kanilang kalagayan sa kalusugan.
“Sa pamamagitan ng Bureau of Learner Support Services-School Health Division at mga kaugnay na field offices, nakatuon ang DepEd sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga estudyante at ang kanilang pamilya. Titingnan din natin ang mga posibleng aksyon laban sa mga responsableng entidad o indibidwal,” pahayag pa ng kagawaran.
Pagtiyak pa nito, “Mananatiling prayoridad ng Kagawaran ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga estudyante, at titiyakin natin na maipatutupad ang mga hakbang upang maiwasan ang katulad na insidente.”