Aprubado na ng Commission on Elections (Comelec) ang dagdag P2,000 na honoraria para sa mga gurong gumanap bilang electoral boards (EBs) at nag-overtime sa katatapos lamang na eleksyon noong Mayo 9.

Ang dagdag honoraria ay kinumpirma ni Comelec Commissioner George Garcia.

Ngunit paglilinaw ni Gacia, ang tinutukoy lang nilang mga presinto ay kung saan nag-malfunction ang mga makina at ang mga kawani na nagsilbi doon.

Target aniya nilang masimulan ang pamamahagi ng karagdagang honoraria bago ang Mayo 25.

Bukod sa mga EB, ang mabibigyan ng karagdagang bayad ay ang mga support staff at technician.

Sinabi ni Garcia na ang karagdagang honoraria ay manggagaling sa ipon ng Comelec.

"What is important, all those who worked in the precinct will be getting additional pay," ani Garcia.

Nauna rito, iminungkahi ni Garcia na bigyan ng dagdag na sahod ang mga gurong nagkaroon ng problema sa vote counting machines (VCM).

Samantala, ayon kay Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco, ang karagdagang honoraria ay bubuwisan sa ilalim ng batas.

“The taxation law states that ‘yung mga ganitong bagay ay income at pagka kinonsider po na income, meron pong tax,” ani ng tumatayong tagapagsalita ng Comelec.

Nakasaad sa Comelec resolution sa karagdagang honoraria na 1,800 VCM at SD (Secure Digital) card ang nagkaroon ng problema, na nakaapekto sa 1,867 polling precincts.

Inabot ng 24 na oras ang ilang presinto bago matapos ang pagboto.

“We must ensure that the teachers and support staff, whose sacrifices during Election Day are unparalleled, are fairly compensated for the work done,” read the memorandum addressed to the en banc. “The teachers’ loss of time to rest and be with their families, as well as their loss of opportunity to find other sources of income, must be considered,” nakasulat sa memorandum na hinarap sa en banc.

Ayon pa sa memo, ang pagkawala ng oras ng mga guro para magpahinga at makasama ang kanilang mga pamilya, gayundin ang pagkawala ng pagkakataon na makahanap ng iba pang mapagkukunan ng kita, ay dapat isaalang-alang.